summer apostolate 2006
Ang Kwento ng Plywood
(Isang pagninilay sa isang buwang karanasan sa Gawad Kalinga ng Dingalan, Aurora Province)
Ganyan nagsimula ang aking trabaho. Walang engrandeng banda para batiin o walang mga kaibigan na nagpapa-alam. Bigkis na alam ng iba, ako’y nangangamba sa mga gagawin ko sa isang buwan. Buti na lamang, na kahit masikip na sa loob ng bus, nakaupo ako sa may bintana at naaliw ako sa mga dumaraan na tanawin.
Isa sa kapansin-pansin sa mga dinadaanan namin ay ang mga lakihang mga mensahe na nakasulat sa mga malalaking bato. Nakakatuwa ang mga nakasulat roon. Meron “God is Love,” “Mahalin ang Kapwa,” “Repent,” etc. Parang nasa isang prayer rally ang feeling ko. Ngunit ako ay nagulat noon nabasa ko ang mensaheng, “Lord, you are there.” Tuloy bigla akong napa-isip. At habang ako’y nagpapanilay sa mga salita na iyon, unti-unting napapanatag ang aking kalooban. Tama nga. Bakit ko ito’y nakalimutan. Sa lahat ng mga exposures, trials, at immerssion na aking naranasan, ito ang paglaging binabanggit ng aming facilitator, “Huwag kayo matakot dahil yung pupuntahan ninyo ay nandoon na ang Diyos na naghihintay sa inyo.”Unang Pito
Ang trabaho ko sa Dingalan ay isang Youth Organizer. Sa loob ng isang buwan ay tutulong ako simulang ang program ng SIGA (Serving in God’s Army). Isa itong programang pang-rehabilitasyon para sa mga kabataan na taga-Gawad Kalinga. Ang hamon dito sa akin ni Lawrence (GK Luzon Coordinator at bossing ko) ay magsisimula ako sa simula’t simula. Hindi tulad ni Rai, na pareho rin ang assignment sa Gabaldon, na nasimulan na ang SIGA roon. Kaya’t medyo isang malaking hamon ito dahil kailangan sa abot ng aking makakaya ay mabuo ko ang grupo sa isang buwan.
Noong dumating ako roon, pinatawag ni Lawrence ang KB (Kapitbahayan) at ipinakilala ako at ipinaalam kung ano ang tungkulin ko roon. Lahat naman ay sang-ayon at excited sa gagawin ko. Ako rin ay naging mas excited na ngayon. Noong gabing yun ay naka-usap ko si Melody (Sibol teacher at naging coordinator ng SIGA pag-alis ko) at sabi niya na kaya naman ipatawag bukas ang mga kabataan para simulan ang programa. Syempre game rin ako. Kinabukasan, nagising ako ng maaga dahil maaga rin ang meeting namin ng mga kabataan. May trabaho kasi ang mga kalalakihan sa pag-gawa ng bahay. Nagulat ako noong nakaipon-ipon na kami sa day care, pito lamang ang sumulpot at puro silang lalaki. Hindi ko makakalimutan kung sino ang pitong ito: sina Dexter (na may second year college degree), ang may asawa’t anak na si Marlon, si Tutoy na mabait at matulungin, ang makulit na si Arvin, ang magaling na pintor na si Kaloi, ang pa-smile na Benedict, at ang nakakatuwa ngunit masipag na special child na si Jay. Pero teka, di ba isang programa ito para sa mga kabataan? Bakit puro lalaki? Akala kasi nila ang SIGA ay para sa mga lalaki lamang at lalong lalo na kung “siga” ka. Natuwa na lang ako at ipinaliwanang kung ano ang SIGA. Binilhin ko rin sila na tulungan ako akayin ang iba pang mga kabataan na sumali sa grupo.
Ligawan sa mga Bahayan
Sa mga susunod na araw nagsimula na ako magbahay-bahay para una makilala ko ang mga taga-roon at syempre anyayahin ang mga anak nila na sumali sa SIGA. Kung tutuusin parang ligawan ang ginagawa ko. Naalala ko tuloy ang mga gimik na ginagawa namin magkakaibigan sa ligawan at ito rin ang ginamit ko sa Sapang Palay at ngayon sa GK. Syempre may halong pastoral care ito. Ganito ang style. Una maglakad-lakad ka. Mas nakakadagdag ng pogi points ng isang baguhan kapag nakangiti ito. Kaya’t smile lang kahit umulan’t umaraw. Ngayon kapag may natagpuan kang ale o mama sa kanilang pintuan, batiin mo na kaagad ng “Magandang umaga po.” Ngunit kailan bantayin ang reaksyon nila. Kapag nakasimangot siya pagkatapos mong batiin, naku exit ka muna at mukhang trespassing ka roon. Ngunit kapag ngumiti, jackpot yun at lumapit ka kagad. Sumunod, ipakilala ang sarili, taga saan ka, at anong ginagawa mo sa lugar nila. Pagkatapos magtanong rin ang pangalan nila at taga-saan sila. Kapag binangit ang isang lugar na pamilyar sa iyo, switch kaagad ang usapan tungkol sa lugar nila at tiyak hindi kayo maubusan nang pwedeng pag-usapan. Kapag wala ka naman alam sa lugar nila, pansinin ang mga bagay sa bahay na pwede mo simulan ng tanong. Halimbawa, kapag nakakita ka ng picure ni Judy Ann, itanong kaagad kung sino sa kanila ang fan ni Judy Ann o ang favorite nilang product na iniindorse ni Judy Ann. Basta’t ang importante nito ay maging komportable sila na ikaw ay isang mabit na bisita. At pagkatapos nun, pwede na rin mag-tanong ng ibang detalye ng kanilang pamilya kung sa tinging ninyo handa na sila mag-bukas sa inyo. At syempre ito rin ang pagkakataon na tanongin kung ilan ang anak nila at kung meron 13 hanggang 23 na taong gulang. Kapag meron yayahin kaagad na sumali sa grupo. Mas maigi kung yayahin ng personal ang bata. Tanongin rin sa bata kung ano ang paboritong palabas nila at kahit ano-ano pa para meron kayong pag-usapan. At makilala mo na ang bata ngayon pa lamang. Pagkatapos ng lahat, tanonging ninyo kung sino pa ang nakatira roon na pwede mo anyayahin sa grupo at yun ang susunod ninyong target. Sabihin mo rin sa bata na akayin rin nya ang iba pa nyang kakilala at kaibigan.
At eto nga ang ginawa ko. Ngunit hindi lang sa bahay ang ligawan. Kailangan alamin rin ninyo kung saaan ang mga “hot spots” ng kabataan. Kung saan sila, doon ka rin. Tulad sa mga lalaki, nasa basketball court sila at doon ka rin maglalaro kasama nila. Sa mga babae naman sa may igipan naglalaba o naghuhugas ng pinggan. Maglaba at maghugas ka rin. At sa gabi kapag may mga kabataan nakukumpulan, doon ka rin makiki-jamming. Sa pamamagitan nito, ang unang pito ko ay naging 30 sa pag-alis ko, mayroon na rin officers at secret group hand shake.
Laro, Laro, Laro
Kung tutuusin parang puro laro naman ang ginawa namin sa buong buwan. Eh kasi naman halos gabi-gabi meron kaming GTKY (getting-to-know-you), group dynamics at team building para mapasimula ang grupo. Depende rin kung gaano kahanda ang grupo sa mga ito. Ngunit kada laro naman ay mayroon madudulot naman na aral. Isang halimbawa na ginawa namin ay ang group walk. Nahahati sila sa group ng sampu. Lahat ng paa nila ay nakatali sa katabi nila ngunit meron iilan sa kanila ay nakatalikod. Kaya’t mahirap maglakad ang group ng sabay-sabay. Kailangan ng strategy. Sa simula pa lamang, nag-plano na sila ng maigi. Tinitingnan nila kung paano nila gagawin ito. Pagkatapos ng ilan sandali ay nagbigay ako ng time-limit. Ayun, na pressure at kahit ano na lang ang ginawa nila basta’t makakarating lang sila. Meron naiwan. Meron nasaktan. Meron napagod. Meron dedma lang. Pagkatapos ng activity, inipon ko sila at prinoseso ang kanilang karanasan. Nakakatuwa naman ang kanilang inputs at sarili rin nila prinoproseso ang groupo. May mga pagkakataon rin na bumubuo ang tensyon sa grupo at dahil sa mga karanasan nila sa mga laro, kaya nila ayusin yun kahit sila-sila lamang. Kahit sa simpleng laro may mga maganda rin mga bagay na nadudulot nito tulad ng pagkakaisa at pagtutulungan. Sa tingin ko nga habang kami’y naglalaro, nakikilaro rin ang Diyos at tumutulong siya ipakita ang pagsasama nitong mga kabataan.
Noong biyernes ng gabi ng unang linggo ko, pinatawag ako ni Melody dahil meron raw isang pagpupulang ang kabataan. Pumunta naman ako na inaakala na ito ay isang simpleng pagpupulong at ito rin ang pakakataon na maipaliwanag ko ng maigi ang SIGA. Ngunit ako’y nagulat na ang pagpupulong iyon ay isang halalan na para sa SIGA. Pati ang mga nanay ay excited at nakiki-usyoso rin sa labas. Higit kumulang 30 ang kabataan naroon, halos ang lahat na iyon ay kilala ko na rin. Ewan kung paano nanyari nun. Hindi ko rin alam kung anong gagawin kasi ang plano ay sa ikatlong linggo pa ang halalan. Pati si Melody naghihintay sa mga payo ko. Isip, Errol, isip! At dahil nan dyan na yan pinatuloy na rin namin. Ngunit bago nagsimula, ipinaliwanag ko sa kanila ng maigi ang SIGA at ang katuturan ng isang halalan. Sa tingin ko naman nakuha naman nila. Halalan na! Unang tanong tinanong sa kin, ang line-up ng mga officers sa SIGA. Patay wala yan sa manual. Isip, Errol, isip! Nagkatuwiran ako na dahil nagsisimula pa lamang sila, yung pareho na lang sa high school ang gagamitin. Agree naman sila roon. Kaya’t meron rin kaming muse at escort sa line-up. Nakakatuwa ang halalan. Mayroon akong kabataan na titser at ang kanyang estudyante ay kasali rin sa group. Kaya’t may nomination na, “I nominate my teacher.” Meron rin nagdududa sa nomination ni Marlon dahil may asawa’t anak na siya. Meron isang kabataan na pagkatapos ng dalawang nomination, second demotion kaagad. Ang gulo ngunit nakakatuwa talaga! Ngunit sa huli nakita ko naman na ang binoto nila ay ang mga tanyang na kabataan sa grupo nila at siguradong maglilingkod sila na tapat. Malakas ang pag-asa sa grupong ito.
Nasaan ang Tahanan?
Mahirap ang mga tao sa GK Dingalan. Kahit sabihin may bahay na sila, ang hirap magsimula at dahil na rin nawala halos ang pwedeng ipaghanap-buhay sa Dingalan. Ang sabi nila, di abot kalahati ng populasyon ang naiwan pagkatapos ng trahedya ng landslide. Naka-punta rin ako ng ilan beses sa mga dating tinitirahan nila. At kung hindi gutay na guaty ang bahay ang aabutin mo roon, halos walang bahay kang makikita na dating punong-puno at sisik na mga bahayan. Sino nga ba ang gustong bumalik roon. Ngunit, kung tutuusin meron pa rin bumalik at tumira roon dahil wala na silang mapuntahan. Kahit halos dalawang taon na lumipas, nadarama ko pa rin ang sakit ng alaala nila.
Meron akong dumalaw na mag-asawa, mukhang masayahin noong una ko silang nakilala. Palabiro si tatay at si nanay magaling humirit. Ngunit napansin ko ay wala silang kahit isang bata sa bahay. Sa gitna ng kwentuhan, tinanong ko sa kanila kung nasaan ang kanilang mga anak. Biglang tumahimik ang dalawa. Lumipat ang tingin ni tatay sa sahig. Lumuluha namang ang mga mata nin Nanay. Dali-dali ko humingi ng tawad dahil mukhang nakuha ko na ang ibig sabihin ng kanilang biglang lungkot. Ang sabi ni tatay ay mahabang kwentuhan raw iyon. Pinadaan ko muna ang ilan pang dalaw at unti-unting binuo ni tatay ang kwento sa akin. Apat ang anak nila. Tapos na sana ng high school ang panganay at mag-tatlong taon na sana ngayon ang bunso. Noong nanyari ang bagyo, malapit na si tatay sumaklolo sa kanyang pamilya. Ngunit nahuli siya. Kitang kita niya noong tinabunan ng landslide ang kanilang bahay. Halos mabaliw si tatay sa kasisigaw noon. Noong tumigil ang bagyo, natagpuan niya ang kanyang asawa sa dulo ng ilog na halos patay na kung hindi nakita kaagad. Ngunit hindi na nila nakita ang apat nilang anak. Ang sakit. At ito rin ang lagi kong naririnig sa iba pang mga pamilya na pinuntahan ko. Walang mga salita na sapat para ipahimlay sila. Tahimik lamang ako kapag sila ay nag-kwento, ngunit sa loob-looban ko halos nabibingi ako sa sarili kong iyak.
Meron akong kilala single parent na ina na binubuhay ang kanyang apat na anak. Dalawa ang trabaho ni nanay sa bayan -- labandera at caretaker. Kahit itong dalawang trabaho na ito ay hindi pa rin sapat para buhain silang lima. Maliit lang kasi ang cost of living sa Dingalan. Kadalasan naabutan ko ang mga bata ni nanay na inuulam lamang ang asin o bagoong. Minsan walang-wala talaga. Minsan dinadaan nila sa tulog na lamang. Ang swerte ko nga roon dahil kahit wala si Tito Romy at si Kuya Liboy, may mga nanay na nagdadala sa akin ng ulam. Ngunit hindi ko kayang kumain habang naalala ko ang mga bata na ito, pati na rin ang ibang mga tao sa Gawad na walang makain. Kaya’t kapag wala ang nanay nitong mga bata at kung hindi pa sila kumain bumibili ko sila ng de-lata o sabay kaming kumakain. Kaya rin naubos ang pera ko dahil kapag bumili ako ng halo-halo, kailangna lima ang bibilhin ko – isa sa akin, at apat para sa mga bata. Hindi ko rin sila maiwasan dahil mahal ko na rin ang mga bata na ito. Pati na rin ang ibang mga bata at lalong-lalo na ang mga kabataan. Kaya’t lahat ng gamit ko ay naging for public use – mobile phone, mp3 player, charger, goggles, pentel pen, tyinelas, at kati cotton buds. Noong dumating ako, dalawa ang dala kong bag. Pag-alis ko, isa na lang dahil na-arbor na ang ibang gamit ko. Pero okay lang yun, basta’t para sa mga nangangailangan, masaya ako.
Kaya rin siguro hindi maiwasan ang away roon. Oo, may away rin roon. May mga iilan pa na nasaksihan ko. Ito ay dail mahirap nga ang mga tao roon at gagawin nila ang lahat para kumita man lang. Halos lahat ay umaasa sa build. May sahod na kasi ang build. Isang daan piso sa isang araw. Malaki na raw iyon sabi sa akin ng isang kabataan kaysa wala. At dahil kasangkot ang pera, di maiwasan ang ingitan. Bakit si kwan ganito ang kita? Bakit kulang ang bayad ni ganito? Bakit ganyan? Bakit? Pero hindi lang dito ang problema. Lumala na siya at naging maraming lebel na ang problema. Nakakataba rin ng puso ang pagkakataon na ito dahil ibinabahagi sa akin ng mga mag-kaaway ang kanilang mga hinaing at ninanais. May tiwala sila sa akin na ako’y walang kinakampihan at nan doon ako para makinig at makisama sa kanilang dinadaanan. Kaya’t hindi rin ako nawawala ng pag-asa. Lilipas rin ito. Tulad sa sinasabi ko sa kabataan, bahagi talaga ang problema sa buhay. Ngayon pwede mo itong iwasan, ngunit palagi nan dyan pa rin ang problema. O harapin mo. Harapin mo na may awa at mapangkumbaba na puso. Maayos man ito o hindi, basta’t binigyan mo na ang iyong sarili, malaking pagbabago ang unting-unting gaganapin.
Ngunit kahit ganito ang buhay sa Dingalan, mahirap, at pa minsan magulo, nakatagpo ako ng tahanan roon. At ito ay sa puso ng mga tao, ang mga tunay na survivor ng totoong buhay.
May mga pagkakataon na niyaya ako nina Tito Romy at Kuya Liboy sa kanilang unit para matulog sa katre. Ngunit tinatangihan ko ang mga pagkakataon na iyon. Hindi dahil gusto ko maging martir sa aking plywood ngunit sa plywood na ito tinuruan akong mapagkumbaba at makiisa sa hirap ng buhay ng mga tao sa Dingalan. Noong nagsisimula pa lamang ako, may lumapit na kabataan sa akin at nakita kung saan ako natutulog. Ngumiti siya. “Tropa ka na namin kuya.” At simula noon hindi na ako tunuring na bisita nila kundi isa sa kanila.
Buhay, hindi Bahay
Mga Huling Araw
Mahirap mag-paalam. Lalo na’t nakasama mo ang mga tao sa Dingalan halos araw-araw sa buong buwan. Siguro dahil sa dami nang assignments na napuntahan ko, medyo may diskarte na ako sa mga ganitong pagkakataon. Noong huling linggo ko ay unti-unti na ako nag-distansya sa mga naging ka-close ko. Unti-unti na rin ako nag-papaalam at nagpapasalamat. Para sa ganun may closure na at hindi lang basta-basta’t nagpaalam. Pinasa ko na rin kay Melody ang SIGA manual at ibang instructions. Nag-meeting kami kasama ang mga officers at ibinhagi ko na rin ang aking recommendations at ibang mga plano para sa kanila. Sa linggo rin ito medyo sinulit ko na ang WOW Philippines sa Dingalan. Dinala ako ni Kuya Liboy sa malamig na Tanawan Falls. Si Tito Romy naman sa famous Matawi beach, este GK site. Sayang sa bagyo na iyan, nakapunta sana ako sa white island, adjecent to Paltic. At ilan beses na rin ako umikot sa bayan ng mag-isa para mag-dasal at hinahanda ang akin sarili sa akin pag-alis. Mahirap nga ang mag-paalam.
Dumating ang bagyo at parang re-enactment raw ito noong trahedya minus ang landslides at rolling-stones. Ganyan ka-lakas ang ulan na nakakainis dahil parang niloloko sa biglang tigil’t simula nito. Ngunit grasya na rin ito dahil pag-tambay ko sa isang bahay, parang extended bonding kami ng pamilya. Minsan doon na ako naabutan ng kain. Noong huling araw ko kahit malakas ang ulan binabasbas ko ang mga bahay ng mga super nanay ko. Akala ko limang bahay lang ang basbasan ko at naging labing limang bahay lahat. Ito ang record holding ko ngayon. Dahil sa dami, ayun naka-early siesta ako tuloy. Pag-gising ko, umuulan pa rin at patuloy pa rin ako umiikot sa mga huling bahay na hindi pa ako nakapagpaalam. Malungkot na ang tanawin, malungkot na rin ako at mga tao. Medyo sumigla ako noong dumating, galing Baler, sina Kuya Liboy at Tito Romy. Kahit bagyo, sumugod sila para makasama nila ako sa hapunan. Espesyal ang ulam ngayon, dinuguan. Paminsan-minsan lang kasi kami kumakain ng karne. Pagkatapos ng hapunan, inaayos ko na ang aking mga gamit. Hmmm... nakapagtataka at wala akong gaanong nakikitang mga kabataan sa buong araw. Bago ko man maisara ang aking bag, may pumasok na mga kabataan. Kinausap ako na i-blindfold ako at magtiwala sa kanilang gagawin. Aba parang GD! Sumunod naman ako sa gimik nila at mukhang may naamoy akong supresa. Dinala ako sa tingin ko noong una ay tahimik na kwarto. At noong tinangal ko ang panyo sa aking mga mata, biglang nagulat ako sa dami ng tao sa day care center. Nan doon ang mga kabataan, mga bata, mga nanay, halos lahat ng GK nan doon. Yun pala ay may naihanda silang programa para sa akin. At nakakatuwa dahil unang pagkakataon gumawa sila ng programa at ang kwento nila ay hindi nila alam kung paano gagawin. Ngunit nagawa nila. Meron kumanta, meron sumayaw, meron mga palaro, meron konting handaan, at meron mga renditions ng mga icebreaker ko. At syempre hindi mawawala ang mga testimonilas ng bawat kabataan. Aba, pina-perform pa ako at eto walang maisip kundi kantahin ang “Huwag Limutin.” At syempre meron mga umiyak at kasali na rin ako nun. Malakas man ang ulan sa labas, umaapaw naman ang puso ko ng pagmamahal ng mga tao roon. At para hindi malungkot, nagpalaro kami hanggang napagod na ang lahat. Nagpasalamat ako muli at umuwi ako sa aking plywood. Kahit sa opisina ay marami pa rin tao. Buti na lang pag-latag ko ng banig, umuwi na rin sila. Mahaba ang gabi.
Alas-4 ng umaga ako nagising para habulin ang unang trip. Medyo umulan pa rin. Hinatid ako ng tatlong ka-close ko na kabataan, sina Dexter, Marlon, at Tutoy. Dinaanan namin ang mga natutulog na bahay, sa matarik at maputik na burol at isang ilog. At habang naghihintay kami ng akin masakyanana, nagkwentuhan na lang kami ng kahit ano. Medyo naubos na namin ang aming laway at mataas na ang araw ay wala pang dumadaan na bus. Medyo maraming sirang daan raw ang sabi ng isang tsuper ng tricycle. Naku paano ako uuwi yan? Buti na lang at dumating si manong super-tsuper ng tricycle. Pumayag siya na magdadala sa akin sa Gabaldon. Nag-paalam ako muli sa tatlo at kahit mabigat ang puso ko, tumuloy ang biyahe ko. At habang dinadaanan namin ang mga malalaking bato ng may nakasulat na mensahe, hinahanap ko muli ang mensahe, “Lord, you are there.” Ngunit, hindi ko na siya nakita. Ngunit may nakita akong bago na tinamaan na naman ako: “Find home in Me.” At naalala ko ang mga tao sa Dingalan. Kahit nakatulog lamang ako sa plywood, nagkarron ako ng maraming tahanan sa Dingalan. At hindi ito gawa sa semento, wala itong bubungan, hindi ito nakapintura ng makukulay na de-kolor, ito ay sa puso ng bawat tao sa GK Dingalan at sa mga kaibigan ko sa GK Luzon kung saan nakita ko ang aking Diyos sa kanila.
Arthur W. Nebrao, Jr., SJ
Ma Ph
22 June 2006
1 comment:
Post a Comment