the parable of the prodigal son
{this is a homily i gave for my community years ago. :) but since its valentines day, i would like to share this because it speaks so much about this deep love which we suppose to celebrate today.}
26 February 2005, JP
by Arthur W. Nebrao, Jr., SJ
2nd Week of Lent (Year A)
The Parable of the Prodigal Son
Isang magaling na mang-espada at makata si Cyrano. Hinahanga siya ng maraming tao. Ngunit, may problema. Mahabang-mahaba ang ilong ni Cyrano. Kung nasa paligid si Cyrano, hindi pinag-uusapan ang kanyang ilong. Kapag mayroon magbigay ng puna tungkol sa ilong ni Cyrano, siguradong uuwi nito nang bugbog sarado. Iisa lang ang iniibig ni Cyrano at ito’y si Roxanne. Ngunit si Roxanne’y iniibig si Christian, ang isang kawal na kasama ni Cyrano. Iniibig rin ni Christian si Roxanne, ngunit meron rin isang problema. Hindi magaling magsalita at magsulat si Christian. Kaya’t tinulungan ni Cyrano si Christian sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga matatamis na salita para kay Roxanne. Mayroong nga isang eksena sa dula kung saan si Cyrano ang nagtatalumpati sa dilim na inaakala ni Roxanne ang mga matatamis na salita ay galing kay Christian. Ngunit hindi. Ang lahat ng damdamin ay hindi galing sa salita ngunit sa puso ni Cyrano. Dahil sa tulong ni Cyrano, nagpakasal si Roxanne kay Christian. Hindi nakapag-honeymoon yung dalawa dahil nagkaroon ng isang giyera. Ngunit, hindi ito hadlang sa paghihiwatig ni Cyrano ang kanyang pagmamahal kay Roxanne. Araw-araw pa rin ang sulat ni Cyrano kay Roxanne na inaakala ni Roxanne ay galing kay Christian. Sa kahulihulian ng dula, namatay si Christian at pagkalipas ng labing-dalawang taon, bago namatay si Cyrano, nalaman ni Roxanne ang katotohanan.
Bakit ko sinalaysay ang isang masakit at bigo na kwento sa mga Heswita tulad natin? Sinalaysay ko ang kwento ni Cyrano dahil ito ay kwento rin ng ating Ebanghelyo ngayon sa araw na ito. Sino ba ang hindi pa narinig ang kwento ng Prodigal Son? Siguro lahat tayo ay mayroong malalim na karanasan sa pagdarasal sa kwentong ito noong ginagawa natin ang Banal na Pagsasanay. Ngunit gusto ko pang magdagdag ng isa pang punto para sa atin pagninilay. At ito ang pagtitiis bilang tunay na pag-ibig. Sa kwento ng alibughang anak, maaari natin tingnan ang pagtitiis ng tatlo: ang pagtitiis ng masunuring na anak, ang pagtitiis ng alibughang anak, at ang pagtitiis ng ama.
Ang pagtitiis ng masunuring na anak ay isang mabuti at ideal na halimbawa. Hindi siya nag-rereklamo. Hindi siya naghahanap ng kapalit. Hindi siya umaasa. Lahat ng ginagawa niya ay dahil sa pagmamahal niya sa kanyang ama. Ang pagtitiis naman ng alibughang anak ay tunay na tunay. Siya’y nagbigay sa kanyang kahinahan. Siya’y tumangap ng kanyang kapalaran. Siya’y bumalik sa kanyang pamilya. Lahat ng ito ay dahil sa kanyang pagmamahal sa kanyang ama. At ang pagtitiis ng ama ay walang katulad-tulad. Ang pagtitiis ng ama ay ang pagtitiis ng dalawang anak dahil naintindihan niya ang kanilang dinadaan. At kahit sino pa sila, masunurin o alibugha, mahal na mahal niya sila. At ito ang pagmamahal ng ating Diyos sa atin. Kaya niyang tiisin ang lahat para sa atin.
Nakakatuwa rin itong si Roxanne. Sa kwento, makikita natin na gusto ni Roxanne ang gwapo, elegante, matapang na lalaki para sa kanya. Kapag ang lahat ng mga babae ay katulad ni Roxanne, lahat ng mga lalaki ay mag-papari. Ngunit, hindi niya nakikita na ang tunay na kagandahan ay nasa loob. At ito ang ama sa kwento ng alibughang anak. Ito ang Diyos natin. Handa siyang yumakap sa atin, kahit gaano tayo kabaho, kahit ano pa ang ginawa nating karumaldumal, kahit sino pa man tayo, nakabukas palagi ang kanyang pinto para sa atin.
Ang pagmamahal ni Cyrano ay isang malalim na pagmamahal. Tiniis niyang makita nagsasama sina Roxanne at Christian. Tiniis niyang marinig ang puri ni Roxanne kay Christian, na sa katotohanan kay Cyrano ang pagpupuri. Tiniis niyang sumama sa giyera at nag-alaga ng kanyang karibal. Tiniiis niya hindi ibunyag ang kanyang tunay na damdamin hanggang sa kahulihulian. Tiniis niya ang lahat-lahat. At sa pagtitiis na ito, nakita niya ang tunay na kaligayahan, ang kaligayahan ng pagbibigay ng sarili sa iba.
Sana sa panahon ng kwaresma, ibigay natin ang atin sarili sa pagtitiis, tulad sa pagtitiis ni Kristo para sa atin. At sana sa pagtitiis na ito ay hindi karihapan ang atin mararanas kundi tunay na pagmamahal. Di ba't kay saya umibig? Di ba't kay sakit rin mabigo? Ngunit sa kahulihulian, sana mayabang natin sabihin, "Oo, oo, umibig ako!"
No comments:
Post a Comment