Home | Digital Resources | My Facebook | My YouTube | Jesuits | JVP | Ateneo

Wednesday, May 17, 2006

ang babaeng iyon

(Here is something I have written during my juniorate year. It is something about me being an adopted child and remembering my encounter with my real mother for the first, and hopefully not for the last time.)

Ang Babaeng Iyon

Maliit lamang ang lungsod ng Zamboanga. Halos magkakilala ang mga tao. Alam ng lahat kung saan pwedeng bumili ng malong at kung kanino pwedeng kumuha ng mura; kung sino naka-aksidente sa motorsiklo kagabi; kung kaninong bahay ang ipinatatayo dyan sa Don Atilano Street. Alam ng lahat ang lahat. Lalo na sa amin eskwelahan sa Ateneo. Magkakilala kaming lahat. Kahit nasa grade four na ako, kilala ko kahit sa mukha man lamang ang mga kamag-aral kong nasa kinder hanggang grade six. Tulad ni Edwin Ruste na ang pamilya ay may-ari ng kompanya ng shipping. Tulad ni Boyet Muñez na hindi na tatagal ang kanilang negosyo ng calibration dahil marami na silang kakompitensya. Tulad ni John Fernandez na tanging bading na anak ng English teacher na si Mrs. Fernandez. Kilala ko silang lahat. Ang hindi ko alam, mas kilala ng aking mga guro at mga kamag-aral kung sino ako, bago ko nakilalang tunay ang aking sarili.

Palagi kong naririnig kay Mama kahit limang taon pa lamang ako, “Errol, hindi ka namin tunay na anak, ngunit mahal na mahal ka namin.” Kahit sa eskwelahan, ang mga guro at mga estudyante, malakas ang kutob ko na alam nila na ampon ako. Sus, hindi ako naniwala. Paano kasi uso ang mga telenovela sa RPN 9, tulad ng Gulong ng Palad at Agila, na ang kwento ay ampon pala ang dalawang bidang babae – yung anak ng mayaman ay anak ng mahirap, at ang anak ng mahirap ay anak ng mayaman. Tapos pinapagulo pa nila ang kwento na hindi pala totoo ang lahat. Tuloy, parang ang realidad ng mundo ko ay parang isang biro lamang. At syempre, nasa mura pa ang isip ko para maunawaan ang mga ito.

Mabait ang pamilya ko. Ang kwento sa akin ni Lola, ang ina ng aking Ama, medyo barumbado ang aking ama kaya hindi nakatapos ng pag-aaral at yun nakadesgrasya siya ng isang babae sa kanto. Ayaw naman ng dalawang pamilya na magpakasal ang dalawa kaya dinala ang kaso sa korte. Dahil medyo malakas at may kaya ang pamilya namin sa Zamboanga, napunta ako sa pamilya ng aking Ama. Ngunit, may kondisyon ang korte. Kailangan ipa-ampon ako dahil wala pa sa legal age ang aking Ama. Kaya sa ate ng Ama ko ang taos-pusong nagampon sa akin kaya ang tawag ko sa kanila ay Mama at Papa. Nakatira na ako sa bahay nila, kasama sina Lolo at Lola, simula noong dawalang araw pa lamang ako. Anim kaming lahat sa pamilya – si Papa, Mama, si Carol, si Eric, ako, at noong dalawang gulang na ako, dumating si Cherry. Binigyan nila ako ng lahat-lahat; pinag-aral ako sa Ateneo; tinawag akong anak.

Noong nasa grade one ako, pinatawag ako ni Lola sa eskwelahan at pinauwi ako ng tanghalian sa bahay dahil naroon daw si Mama. Wala namang pinagkaiba. Palagi naman akong umuuwi sa bahay tuwing tanghalian at kasabay si Mama kumain. Bakit niya ako tinawagan at pinapauwi eh lagi naman kaming nagkikita tuwing tangahalian? Hindi ko pa nauunawaan. Sinundo ako ni Yaya Fely at umuwi kami sa bahay. Kinukulit ako ni yaya sa tricycle, “Nasa bahay na si Mama, nasa bahay na si Mama.” Hindi ko pa rin nauunawaan.

Dumating kami sa bahay. At doon sa aming balcones nakaupo si Lola at katabi niya ay isang maitim at magandang babae. Ngayon ko lamang siya nakita sa buong buhay ko. Lumapit ako kay Lola para magmano. Nagtanong ang babae nang matamlay, “Siya na po ba?” Walang sinabi si Lola kundi inutusan akong magmano rin sa babaeng iyon. Nagmano rin ako sa babaeng iyon. Pagkamano ko sa kanya, bigla na lang siyang umiyak at yumayakap nang mahigpit na mahigpit. Pilit kong nagpumiglas ngunit mahigpit na mahigpit ang kanyang yakap. Tumingin ako kay Lola ngunit parang naawa ang kanyang tingin sa babaeng iyon. Hindi ko naiintindihan ang mga nangyayari. Sino ba itong babae na ito? Ako’y naguguluhan. Pumatak na rin ang aking luha. Patuloy akong pumipiglas ngunit hindi parin akong nakakawala sa yakap ng babaeng iyon. Tahimik pa rin si Lola. Naiinis na ako. Hindi ko alam kung gaano katagal na akong niyayakap ng babaeng ito. Pumiglas akong muli, at sa aking gulat, nakalaya ako! Bigla ko siyang tinakbuhan, pumasok kaagad sa loob ng aking silid at isinara ko ang pinto. Patuloy akong umiiyak sa loob dahil hindi ko nauunawaan ang mga nangyayari. Sumilip ako sa bintana at nakita ko itong babaeng iyon na umiiyak palabas sa gate at minsan-minsang lumilingon sa direksyon ng bintana ko.

Malapit na ang katapusan ng isang taong pag-aaral at tapos na rin ako sa grade four. Mainit ang araw na iyon noong dumating si Cherry sa aming classroom, ang bata kong kapatid na nasa grade one, para hintaying matapos ang klase ko at sabay na kaming umuwi. May sakit kasi si Yaya Fely kaya ngayon lang kaming uuwi ng sabay ni Cherry. Pansin na pansin ko na iba ang pagtingin ng mga classmates ko sa akin at kay Cherry na parang may gusto silang sabihin. Tumunog ang batingaw ng alas-tres. Tumayo ako at hinanda ang mga gamit ko para makauwi na. Atat na atat na si Cherry, eh. Bago ako nakalabas sa silid, lumapit si Gary, isang matalik na kaibigan kong classmate, at sinabi, “Errol, alam mo na ba?”

“Ang alin?” tanong ko ulit.

“Yung tungkol sa iyo at sa kapatid mo.”

Bago pa man ako makapagtanong ulit, tinawag na ang kaibigan ko ng kanyang sundo.

Umuwi kami ni Cherry sa bahay. Pumasok siya sa kanyang silid at ako naman ay pumasok sa balcones. Tumigil ako sa harap ng isang dingding na nakasabit ang mga iba’t ibang letrato ng aking pamilya. Nakatitig ako sa pinakamalaking letrato kung saan kompleto kaming anim. Limang taon pa lamang ako noon sa letrato na iyon. At habang nakatititig ako sa letratong iyon, dahan-dahang nagbubukas ang mga pinto ng katotohanan. Ako lamang ang iba ang mukha at maitim. Unti-unting pumapatak ang luha sa aking uniform. Hindi nagtagal, tumakbo ako sa aking silid hindi para magtago at hindi para pumiglas. Kundi para silipin sa bintana kung naroon pa ang babae iyon.

Arthur W. Nebrao, Jr., SJ
Ma Ph
27 September 2004

2 comments:

ako said...

ewol, kumikinang ang lalim at ganda ng iyong kalooban sa mga sinusulat mo. love u bm8!
:)mia

Anonymous said...
This comment has been removed by a blog administrator.

Copyright © 2006 er2ol. All rights reserved. Patent Pending.