Iba’t Ibang Mukha ng Dagat
(Isang pagninilay sa isang buwang karanasan sa mga isla ng Mercedez, Camarnes Norte at ng mga isla ng Polillo, Quezon Province)
Minsan nang pauwi na kami ni Jeff sa islang tinitirhan namin, hindi ko maiwasan pansinin ang katig ng aming bangka na parang hinahalik ang balat ng dagat. Paminsan-minsan nawiwisik ang maalat na tubig nito sa akin mukha kasabay ang malambot na hampas ng hangin sa dapit-hapon. Payapa ang dagat. Tahimik siya ngayon. Parang nagninilay. Parang nagtatanong tulad ko.
Sa totoo lang, takot na takot ako sa dagat. Kahit ako’y laking-dagat, mayroon akong mga iilan na mapapait na karanasan sa dagat kaya’t nawala ang tiwala ko sa kanya. Tulad noong bata pa ako, tumaob ang banga sinasakyan namin dahil sa malakas na ulan at alon. Walang malapit na isla. Limang oras kaming nagtiyatiyagang lumutang sa paghawak sa katig. Maginaw. Takot. Limang oras. Kaya’t noong pinapili kami ng tatlong apostolate para sa summer apostolate, pangatlo lamang ang programa ng ISO. Iniiwasan ko ang dagat. Kung pwede sana ilagay ko sa pang-lima ang ISO ay nilagay ko na. Ngunit, tulad rin ng mga dati kong assignment, nakakagulat, at parang may halong hiwaga. Kahit qualified na qualified ako sa unang dalawang programang pinili ko, sa ISO pa rin ako nilagay. God really workds in mysterious ways. Ito yata gusto ng Diyos para sa akin. At kahit anong gawin ko, wala akong magagawa kundi harapin ang katotohanan. Ngunit kahit may dala akong kaba, laking gulat ko sa mga karanasan na inihandog sa aking paglalakbay. Nagkaroon ng mga mukha ang dagat at nagkaroon ng imahen ang akin Diyos.
Mapaglaro ang Dagat
Isang beses galing kami sa Bordeous at pauwi na kami sakay ang aming bangka. Mapaglaro ang dagat noon. Katamtaman ang mga alon na parang nagyayayang makipaglaro sa kanya. Parang tulad ni Dave, anak ng isang C.O., na ginagalaw ang kanyang mga daliri sa harap ng kanyang mukha at sabay sinasabi, “Habol, habol!” Aba, hindi nagpapatalo si Kuya Willy, ang aming pilot, at tinodo nga ang motor. Parang hindi na nga siya isang banga kundi isang bumb car na nakikibangga sa dagat. Ayon, basang-basa kaming nakauwi. Pati si Kuya Carling na nakatago sa buntot ng bangka ay walang ligtas. Katulad rin sa mga kaibigan namin mga bata sa Quinapaguian. Tuwing hapon, pagkatapos kami magbigay ng recollection, naghihintay na sila sa pintuan ng staff house. At kahit pagod na ako, hindi ko matangihan ang paanyaya nila: “Habol, habol!” Naghahabulan kaming lahat. Una hahabulin ko sila mga tatlongpung bata. Pagkatapos ay sila naman lahat ang sabay-sabay maghahabol sa akin. Ang daya no? Ngunit sa galak ng mga batang ito ang nagbibigay sa akin ng lakas at pag-asa.
Nakakatakot pa rin ang Dagat
Pangatlong araw pa lamang namin sa Panukulan ay ginawa na namin ang tinatawag ko na “Trip of all trips” – pumunta kami sa isla ng Jomalig. Aba, iba to sa karanasan kong 24 hour bus trip galing Zamboanga papuntang Davao at pagkatapos ng dalawang oras ay bumalik muli sa Zamboanga sakay pa rin ang parehong bus. Ganito kasi. Maliit ang bangka namin. Labing-isa kaming lahat at may mga dala kaming mga gamit kaya’t overloaded kami. Malakas ang alon. Pitong oras ang biyahe. Akala ko ako lang ang takot na tako sa biyahe. Yun pala halos lahat ay may duda na rin. Ilan beses na ko na inulit ang mga decada ng rosario. May pagkataon nga na handa na ako mamatay dahil sinabi ko sa Kanya na handa na ako. Salamat sa Diyos at magaling na pilot talaga si Kuya Willy. Isa sa mga natutunan ko sa summer apostolate ay ang pagbasa ng senyales ng pilot ng bangka. Kung sabi ng pilot “kaya,” huwag kang mabahala. Ngunit kung panic na ang pilot, panic ka na rin. Eh, nakakapanic rin ito si Kuya Willy dahil minsan hindi ko alam kung kumpante o kabado siya. Ngunit tapos na yon. Mas nakakatakot ang mga kwento nina Kuya Willy at Dennis. Sila ay boluntaryong nagbabantay at naghuhuli sa mga ilegal na gawain sa atin karagatan. Yung nakakatakot kasi malakas ang kalaban nila. Minsan marami ang mga ilegalista o may mga kargada. Buhay nila ang nakataya palagi. Kaya’t wanted sa iilan mga isla sina Kuya Willy at Dennis. Para na rin sila mga x-convict. Tumutulong ka ng nga, wanted ka pa.
Seryoso ang Dagat
Sa aming paglalakbay nakilala ko si Tay Tony sa isla ng Carringo. Una kong nakita siya nag-aayos ng kanyang mga pain. Galing lamang siya sa laot noon. Lumapit ako para tingnan ang kanyang mga huli. Ngunit sa akin gulat, limang pirasong maliliit na isda lamang ang nahuli niya. Lugi siya noon. Nakakaawa si Tay Tony. Halos limang daang pain ang hinanda niya, limang pirasong isda lamang ang nahuli niya. Kapag seryoso ang dagat, seryoso siya. Kahit ibang tao ang gumagawa ng karahasan sa karagatan, lahat ay naapektuhan lalo na ang maliliit na mangingisda tulad ni Tay Tony. Tulad rin sa walang katpusan IEC at FARMC meeting, seryoso rin ang mga tao sa problema ng karagatan. Seryoso sila sa pagtatag ng FARMC at iba’t ibang mga programa na tungkol nito. Ngunit minsan napansin ko na sa sobrang siniseryoso ang pinagpausapan, nagigiging komplikado ang problema. Naiiwan kung ano ang kailangan. Ayon, nauwi sa inuman na lamang. Mabuti na lang nan dyan ang ISO at ang mga FARMC para kulitin ang dapat ayusin. Kaya’t ito siguro ang hamon para sa ISO, FARM at LGUs na maging matiyaga sa mabagal na proseso ng atin lipunan. Seryoso ang dagat at ang problema nito. Sana seryoso rin tayo.
Masayahin naman ang Dagat
Maraming pagkakataon ay nilalalabas ko ang aking paa o kamay sa bangka habang naglalakbay kami. At sa ganitong pagkakataon ay nakilala ko nang lubusan ang dagat. Masayahin pala ang dagat. Gusto niyang magpasaya palagi. At sa isang buwan kong namalagi sa mga isla, nakita ko tong magandang mukha ng dagat. Masaya ako sa akin summer apostolate. Kung wala kaming gaanong ginagawa, swimming kami o snorkeling sa mga sanctuario. Dinadala kami ni Father Madz sa mga barangay at nakiki-pista. At sa gabi naman ay nagpapa-init sa videoke at sayawan. Simple lang ang buhay isla ngunit masaya. Higit sa lahat ay nagkaroon ako ng mga kaibigan na hindi ko makakalimutan. Tulad ng mga bata sa Q.I., sina Dave, Orange, Apple, Guyabano, Guava, Calamansi, Acacia, Balete, at Choco (hindi totoong pangalan nila, kami ang nagbigay) na nagpapasaya sa akin palagi kapag sinasayawan nila ako ng Korean Dance (yung Froggy Dance). Tulad ng mga bayani ng Simbahan, sina Fr. Madz, Bros. Dennis, Richard, at Godfrey, Ate Jovy, Novelty, Sir Susa, at Maam Beth. Tulad ni Enzo na pinasaya kami sa isang linggong pag-ibig niya sa Panukulan (Chief, you’re the man of lambanog!). Tulad ni Kuya Otsog, Ate Edith, at Ate Ging na sobra sa pagmamahal at alaga. Tulad ng mga bayani ng dagat, sina Mike, Dennis, Pie, Kuya Boyet, Kuya Willly, Tay Carling, Kuya Toti, Kuya Tino, Kuya Levy, Kuya Doms, Ate Marina, Lelene at Shahani. And of course, the SYC giling girls sina Ate Norie, Jeanne, at Chee (limbo girl rin!). Kahit sa opisina lang namin kasabay si direk, ang kanyang ngiti ay lagi namin naalala. At syrempre, ang babaeng nagmamahal sa dagat na si Caryl, kasama namin lagi at kaibigan naming tunay. Sa hirap at ginhawa, masayahin ang dagat.
Iba’t ibang mukha ng dagat ang nakilala ko sa aking summer apostolate. Ngunit sa gitna nito, mas nakita ko ang mukha ng aking Diyos. Tulad sa lahat ng bagay nilikha Niya, nasa dagat rin ang Kanyang mukha. Mapaglaro at masayahin ang Diyos at gusto niya ako sumama sa laro at saya. Lagi rin, seryoso ang Diyos. Seryoso Siya sa mga hamon bibigay niya sa akin at sa atin lahat. At kapag natatakot ako, ang paanyaya niya palagi ay magtiwala. Magtiwala dahil nan dyan lang siya palagi.
Minsan nang pauwi na kami sa islang tinitirhan namin, hindi ko maiwasan pansinin ang katig ng aming bangka na parang hinahalik ang balat ng dagat. Paminsan-minsan nawiwisik ang maalat na tubig nito sa akin mukha kasabay ang malambot na hampas ng hangin sa dapit-hapon. Payapa ang dagat. Tahimik siya ngayon. Parang nagninilay... “Tapos na ang isang buwan,” sabi ko sa sarili ko. Ito na rin ang huling sakay ko sa bangka na kasama namin sa aming paglalakbay. Kung tutuusin, wala naman kaming ginawang nakakabighani sa erya. Subalit, ang daming alaalang hindi ko makakalimutan. Ang daming grasya dapat namnamin. Ngunti ang dadalhin ko sa akin lagi ay ang mga mukha ni kaibigang dagat na pinakita sa akin ang mukha ng mga taong nakasama ko – dagat lamang ang pagitan ng atin puso’t isipan -- at lalong lalo na ang mukha ng aking Diyos.
Sa ISO, maraming, maraming salamat sa pagkakataon. Mabuhay kayo at lagi kayo nasa dasal ko.
Arthur W. Nebrao, Jr., S.J.
Jesuit Scholastic (Philosophy 1)
Loyola House of Studies - Alingal House
25 May 2005