Home | Digital Resources | My Facebook | My YouTube | Jesuits | JVP | Ateneo

Tuesday, December 05, 2006

lagi magsuot ng malinis na salawal

Homilya
Kapilya ng JP
Ika-5 ng Disyembre 2006

Magandang umaga mga kapatid. Nais kong simulan ang aking homilya sa isang pagpapaliwanag sa librong nabasa ko na may pamagat na “Always Wear Clean Underwear.” Sa tagalog, “Lagi magsuot ng malinis na salawal.” (Ginawa ko lang yun para ma-impress kayo) Nakakatuwa itong libro na ito dahil ito ay mga listahan ng mga sinasabi ng ating mga magulang tulad nang, “Huwag umihi sa swimming pool,” o ”Kumain kayo ng gulay,” o “Tumingin muna sa kaliwa’t kanan bago tumawid sa kalsada.” At sa bawat naka-lista, meron mga dahilan na binibigay ng taga-akda kung bakit sinasabi ito ng atin mga magulang. Halimbawa sa “Huwag umihi sa swimming pool,” sinasabi nito ng atin mga magulang dahil para turuan tayo na huwag gumawa ng masamang gawain, kahit na walang tumitingin o walang makapag-huli sa atin.

Mga Kapatid nagsimula ako sa librong ito dahil ito ay angkop sa sinasabi ng Ebanghelyo. Sa Ebanghelyo natin ngayon sinabi ni Hesus, “Nagpupuri ako sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at sa matatalino, at ipinahayag sa maliit. Gayon nga, Ama Ko, ang ikasisiya ng iyong kalooban.” Dito sinasabi ni Hesus na masaya siya na makita ang mga karaniwang tao na naiintindihan at tinatangap ang Salita ng Diyos.

Ngunit meron pang sinasabi dito sa Ebanghelyo at ito ay ang epekto ng mapagkumbaba at ito ay ang espiritwal na pagkabata. May katumbas ito sa Mateo na sinasabi, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit." Subalit sa pagka-alam natin na itong espiritwal na pagkabata ay hindi tungkol sa pagiging mahina, pagiging malambot, o pagiging mangmang. Ngunit pagiging bata dito ay tungkol sa pagtaboy ng atin sarili bilang mayabang at hustong tao. At sa ganitong paraan, mas nakikita natin ang atin sarili na hindi natin kaya gumawa ng ano man bagay ng atin sarili lamang.

Ngayon balikan natin ang librong tinutukoy ko kanina. Siguro para mas tugma sa buhay natin ngayon, palitan ko ang ”Kumain kayo ng gulay” sa “Kumain kayo ng isda.” Siguro kung sasabihin tayo nito ni Fr. Herb, hindi pa rin tayo susunod dahil karamihan sa atin ay ayaw kumain ng isda lalo na kung ito ay naka-lutong sabaw. Ngunit sa mga bata, kahit ayaw nila, kahit hindi nila ganap na maintindihan ang dahilan kung bakit kailangan nila kumain ng isda, gagawin at gagawin nila ang sinasabi ng kanilang magulang. Kaya masaya si Hesus sa Ebanghelyo. Masaya siya dahil kahit ang mga karaniwang na mga tao sa pagkakataon na iyon, tulad sa mga bata, naniwala at tinanggap ang mga Salita ng Diyos.

Mga kapatid ito siguro ang hamon natin bilang mga relihiyosa na araw-araw ay tinatanggap ang Salita ng Diyos tuwing misa. Sana, katulad ng mga bata, kahit tayo’y natatamad, kahit hindi natin naiintindihan ang mga pagbasa, tangapin pa rin ito at magtiwala. Tulad ng mga magulang sa librong binangit ko, meron itong dahilan, at ang Diyos Ama natin ay may dahilan sa mga utos niya sa atin. At syempre alalahanin rin natin na kailangan natin ng grasya at ang tulong ng Diyos Ama para hanapin ang tamang daan at manatili dito. Sa pagiging maliit na bata, kailangan magpabaya ng sarili tulad ng bata, magtiwala tulad ng bata, humingi tulad ng bata.

Sa panahon ng adbiento, sana lubos natin nagagalak na hintayin ang pagdating ni Hesus at tangapin at lubos magtiwala sa Salita ng Diyos. At syempre, “Huwag umihi sa swimming pool,” ”Kumain kayo ng isda,” at “Tumingin muna sa kaliwa’t kanan bago tumawid sa kalsada” dahil meron itong mga dahilan.


Copyright © 2006 er2ol. All rights reserved. Patent Pending.